Friday, July 08, 2005

ANO NA PILIPINAS?

Ano na ang nangyayari sa Pilipinas? Usapin sa jueteng at kung anu-ano pa, marami ng problema ang bansa. Maraming daing ang mamamayan sa gobyerno at sa mga namumuno rito na tila ‘di maubus-ubos. Mga daing na tila ‘di naririnig at nabibigyang pansin at tila binabalewala at padagdag pa nang padagdag.

Ngunit sinong mag-aakala na sa kabila ng mga matitinding usapin sa kongreso, may isa pang mas malaking isyu ang gugulantang sa sambayanan. Isang bagong isyu ang sumabog at natakpan ang ibang usapin na humila sa atensiyon ng bawat Pilipino... ang issue na "hello Garci tape!" Ang hello Garci tape na kinapapalooban ng pag-uusap ng dalawang tao na may kaugnayan sa eleksiyon.

Naging mainit ang isyu at usaping ito sa mata at tainga ng bawat mamamayang Pilipino. Maraming tanong ang nabuo sa bawat isa, marami ang naghihintay na mabigyan ito ng linaw. Matagal ang pananahimik ng taong sangkot ngunit kalaunan, binasag din ang sariling pananahimik, umamin sa kanyang nagawa.

Umamin, humingi ng paumanhin at pagkakataon na ituwid ang pagkakamaling nagawa. Tapos na ba? Marahil, nag-akala sila na matatapos na ang nakabibinging isyu pagkatapos ng pag-amin at paghingi ng paumanhin, ngunit mukhang mali, dahil na rin marahil sa kanilang pag-amin, marami rin ang nagsalita, maraming bumatikos at may nawalan ng tiwala. Dito rin nagsimula ang lalong pag-iingay ng taumbayan, natakpan na ang iba pang mga isyu, dito higit na nagbigay atensiyon ang mga mamamayan... pinabababa na sa puwesto ang lider ng bansa.

Nagbitiw ng salita ang pangulo na ‘di siya mare-resign at patuloy pa rin na nagpapahayag ng kanyang nais. Ngunit... patuloy pa rin ang pagsigaw ng mga Pilipino sa kalye. Hinihiyaw na magbitiw sa puwesto ang lider ng bansa.

Ano na ang nangyayari sa Pilipinas, bakit nagkakaganito? Ilang pangulo na ba ang pinababa sa puwesto? May karapatan ang bawat isa na ipahayag at isigaw ang kanilang damdamin, pero ‘di naman kaya ito maabuso? Ilang ulit na bang nangyari ang mga ganitong pagkakataon, paulit-ulit na lang... napapagod na si Juan, tama pa ba ang ganito? Bakit nagkakaganito ang bansa, naaabuso na natin ang ating sarili at sariling karapatan.

Nawa, sa muling pagsigaw at pagkakaisa na ito ng mga Pilipino ay makabangon na ang Pinas mula sa kanyang problema... ito na sana ang huli, 'wag ng maulit pa sana ang ganitong mga pagkakataon. Pagod na pagod na ang Pilipinas.

No comments: