Wala akong idea kung anong bago ang mailalagay ko dito, medyo maluwag ako ngayon, mabilis kong natapos ang aking trabaho… naiinip ako. Kababasa sa blog ng may blog, may mga tanong akong nabasa na ako man ay nagsabing “ay oo nga ano, bakit kaya?” Gusto rin ba ninyong malaman kung anong tanong ang mga ito?
- Why do we talk to dogs and other pets in English? (haringliwanag.pansitan.net)Oo nga naman, mostly, kinakausap ang mga alagang hayop lalo na ang aso at pusa sa English, 'di ba natin sila puwedeng kausapin ng Tagalog?
- Sa text, bakit sinasabing “d2 n ME” kung puwede namang “d2 n KO,” bakit kailangan pang palitan ng “ME” ang “KO” gayung pareho lang naman ang bilang ng letrang ginamit?
May kadikit na English ang mga tanong, impluwensiya ng western countries? Tayo, kailan natin sila maiimpluwensiyahan?
‘Di ko alam kung paano ko isisingit ang nabasa ko sa libro ni Bob Ong na BAKIT BALIKTAD MAGBASA NG LIBRO ANG PILIPINO? Natawa talaga ako at napaisip pagkatapos ko itong mabasa… eto basahin din ninyo…
BAKIT BALIKTAD MAGBASA NG LIBRO ANG PILIPINO by BOB ONG (pg. 181 to 182)
“Isang totoong pangyayari ang naikuwento sa dyaryo tungkol sa 70-taong gulang na lolo mula pa sa isang probinsiya. Lumuwas ng Maynila ang matanda para sa kanyang visa interview sa US Embassy at dahil sa wala siyang anumang alam na salitang Ingles, isinama niya ang apo bilang translator.
Inutusan ng consul ang apo na tanungin ang lolo niya kung bakit gusto nitong pumunta ng Amerika.
“Bakit daw ho ba gusto ninyong pumunta sa Amerika?”
“Sabihin mong gusto kong makita ang mga anak ko doon,” sagot ng lolo.
Muling ipinatanong ng consul sa apo kung bakit kailangan pang pumunta ng matanda sa Amerika at ‘di na lang papuntahin dito ang mga anak niya. Matapos tagalugin ang tanong, sumagot ang matanda.
“Sabihin mo, dito kasi ipinanganak ang mga anak ko. Nakita na nila ang Pilipinas. Gusto ko namang makita ang Amerika bago ako mamatay.”
Dahil naasiwa sa katotohanang hindi man lang makapagsalita ng kahit kaunting Ingles ang matanda, ni-reject ng consul ang application nito. Sinabi ng apo sa kanyang lolo ang naging desisyon ng consul at ipinaliwanag ang dahilan.
“Hindi raw kasi kayong marunong mag-Ingles.”
Hindi ito ikinatuwa ng matanda kaya inutusan ang apo.
“Sabihin mo ito sa kanya at huwag mong papalitan ang sasabihin ko. Put@*#+& niya, bakit siya nandito eh hindi naman siyang marunong mag-Tagalog?”
Sinunod ng bata ang utos at sinabi ito sa consul. He said: “You son of a bit@*^+, how come you are here… you don’t know how to speak in Tagalog?”
Sa pagkakagulat na may halong tawa, napilitang magbago ng isip ang consul at mabilis na inaprubahan ang visa application ng matanda."
Natawa at napaisip talaga ako pagkatapos kong basahin ito.
Natawa dahil may punto nga naman si lolo, nabara pa niya ang consul at naaprubahan pa ang visa niya.
Napaisip dahil oo nga naman, bakit ‘di lang makapagsalita ng Ingles si lolo e ni-reject ang application nito at ‘di siya makakapunta ng Amerika, e bakit sila, ‘di rin naman sila marunong mag-Tagalog pero labas-masok sila ng bansa?
Ito na ‘yon… ito na ang para sa araw na ito… May logic ba ang naisulat ko? Hehe… o siya, hanggang sa muli!
No comments:
Post a Comment