May lungkot sa kanyang mga mata... hanggang kailan ito? May lungkot din ba sa’yo... palagay ko... oo! May sakit pa ba sa kaibuturan mo... hanggang kailan ‘yan? May galit ka pa ba dito... malamang oo!
Minsan kang dumaan at nanatili nang sandali sa mundo niya, kuwestiyonable, pero masaya ang pakiramdam. Minsan kang naging bahagi ng kanyang araw, masaya, pero may kurot ng lungkot. Alam mo kung bakit!
Tama na ganito na ngayon, pero mali na may galit ka sa kanya. Tama na nakilala ka, pero tila mali na gusto mong burahin maging alaala niya sa’yo.
Ayaw man niyang isipin na may hinanakit ka sa tulad niya… pero pilit itong tumatagos sa kanyang katahimikan. Ayaw niya na may galit ka sa kanya, pero may magagawa ba siya... sabihin mo kung ano!
Ayaw niya sanang magwakas nang ganito ang samahan ninyo, pero wala siyang magawa… ito yata ang gusto mo! Ayaw man niyang damhin ang nararamdaman niya ngayon, pero ‘di niya mapigilan.
‘Di na ba talaga niya mababago ang nararamdaman mo? ‘Di na ba niya mapapawi ang pagkakamaling kanyang nagawa sa’yo? Nasaktan ka ba talaga niya? Sinaktan mo rin naman siya! ‘Di na ba talaga magbabago ang isip mo... tanong lang... pinahalagahan mo rin ba ito?
Nais niyang manatili ka, ‘di man tulad ng dati… tumanggi ka. Nawala ka, hinanap ka niya, pero itinaboy mo. Lumisan ka, ‘di ka niya makita. Nasaan ka na ba?
Bawat sipat niya sa orasan, tanong niya ay kung nasaan ka na. Bawat araw, tila talagang palayo ka na. Bawat oras, isang hakbang palayo mula sa kanya… nasaan ka na ba, makikita ka pa ba niya? Bawat segundo, ikaw ang nasa alaala niya... hinahanap-hanap ka... nasaan ka na ba... malayung-malayo na ba? Kailan ka niya muling makikita?
Hindi ka man masilayan ng kanyang paningin, larawan mo nasa likod ng kanyang mata. ‘Di ka man mahawakan ng kanyang mga kamay, sa ihip ng hangin, dama na niya ang presensiya mo. Lagi kang naroroon... mananatili...
Gaano ka man kalayo ngayon, anong milya man, umaasa siya na muli kang makikita... hindi man ngayon... hindi man bukas. Umaasa na 'di man niya maibalik ang kahapon ninyo, hiling lang niya ay ang pagpapatawad mo. Alam niyang darating ang pagkakataon na muli kayong magtatagpo... Sa pagkakataong ‘yun... umaasa siya na napawi na ang galit mo na minsang namahay sa puso mo!
1 comment:
Post a Comment